Sunday, June 30, 2013

Sa May Pinagdadaanan

          Iba-iba ang ating mga reaksyon pagdating sa pakikipagtuos sa mga problema at kalungkutan. Sa tuwing may mabigat tayong pinagdaraanan, ang pwede lamang nating gawin ay alinman sa harapin natin ito, o takbuhan natin ito.

          Sumusulat ako ngayon para sa mga taong magigiting na humaharap sa kanilang mga problema. Dun sa mga taong walang ibang alam kundi takbuhan, takbuhan, at takbuhan ang kanilang mga suliranin, bahala kayo sa buhay niyo. Di ko alam kung anong maipapayo ko sa inyo. Ang mga susunod niyong mababasa ay hindi sa akin nanggaling, kundi sa kataas-taasang saligan - ang aklat ng Pinakadakila. Kung may pinagdaraanan kang kabigatan, para sa iyo ito, kaibigan.

          Kapag pakiramdam natin na parang may kulang: para saan pa ang Colossians 2:10 "And you are complete in Him"?

          Kapag pakiramdam natin na parang may hadlang: para saan pa ang Psalms 60:12 "Through God we shall do valiantly"?

          Kapag pakiramdam natin na parang wala nang tama sa ating buhay: para saan pa ang Romans 8:28 "All things work together for good"?

          Kapag pakiramdam natin na parang wala na tayong kasama't karamay: para saan pa ang Hebrews 13:5 "He hath said, I will never leave you, nor forsake you"?

          Kapag pakiramdam natin na parang sobrang nakakapagod na: para saan pa ang Matthew 11:28 "I will give you rest"?

          Kapag pakiramdam natin na parang wala nang pag-asa: para saan pa ang Romans 15:13 "The God of hope fill you with all joy and peace in believing"?

          Kapag pakiramdam natin na parang wala na tayong lakas: para saan pa ang Psalms 46:1 "God is our refuge and strength"?

          Kapag pakiramdam natin na sa digmaan sa mundo ay wala na tayong armas: para saan pa ang Hebrews 4:12 "For the word of God is quick, and powerful, and sharper than any twoedged sword"?

          At sa kung ano pa mang kabigatan, problema, suliranin, at kahirapan na hindi nabanggit sa taas: para saan pa ang 1 Peter 5:7 "Casting all your care upon Him; for He careth for you"?

          Kapag pakiramdam natin na parang may kulang; kapag pakiramdam natin na parang may hadlang; kapag pakiramdam natin na parang wala nang tama sa ating buhay; kapag pakiramdam natin na parang wala na tayong kasama't karamay; kapag pakiramdam natin na parang sobrang nakakapagod na; kapag pakiramdam natin na parang wala nang pag-asa; kapag pakiramdam natin na parang wala na tayong lakas; kapag pakiramdam natin na sa digmaan sa mundo ay wala na tayong armas; At kung ano pa man ang nagpapabigat sa ating mga kalooban, lagi lang nating isipin na mayroon tayong saligan - meron tayong kakampi't sandigan.





Ang problema, dinadaanan lang yan. Hindi tinatambayan.

FACT: Nakakabawas ng kagandahan ang kalungkutan. Permanently.
Sige ka, simangot ka pa.

Thursday, June 27, 2013

Do right. Why not?



             "So if it's God's calling, it's supposed to be easy? Because that's not what Paul would tell you, or Stephen, or Moses, or Jim Elliot -- you want me to keep going? Because it seems to me, the most obedient ones in the Bible, the ones who are truly following God's call on a daily basis, get thrown into lions' dens and fiery furnaces, and shipwrecked, and beheaded, and nailed to a cross -- and they 
are all praised for being the most faithful and successful in God's eyes. No, you're not [Jesus]. But this is the call that all of us have received - to be faithful like Him, obedient unto death."
-Ethan (This is Our Time, 2013)



          Hindi lahat ng tama, madali. Minsan kung alin pa yung matuwid, yun pa yung mahirap gawin. Mahirap gawin dahil nakakahiya. Mahirap gawin dahil wala namang taong pupuri sayo. Mahirap gawin dahil hindi naman ikaw yung makikinabang. Mahirap gawin dahil hindi mo nakasanayan. Mahirap gawin dahil maiiba ka sa nakararami. Mahirap gawin dahil marami kang pagdadahilan. Oo na. Mahirap na kung mahirap.

          Pero isipin mo: Paano kung yan din ang inisip nung taong nagbuhat ng krus para sa'yo? Paano kung nahiya din Siya. Paano kung inisip Niyang wala namang pupuri sa Kanya? Paano kung inisip Niya na hindi naman Siya yung makikinabang? Paano kung inisip Niya na hindi naman Niya nakasanayan? Paano kung naisip Niya na maiiba Siya sa nakararami? Mapalad tayo ngayon. Pahiga-higa na lang. Pa-upo-upo sa harap ng computer. Naliligo din pag may time. Pero may ginagawa ba tayong pagsunod sa Kaniya sa kahit anong paraan?



Muli, hinahamon kitang gamitin ang isang kilong karne sa loob ng iyong bungo.
Isip-isip din 'pag may time.

Tuesday, June 25, 2013

Anyare?

          Maraming nagtatanong sa akin kung bakit ko daw binura yung blog na matagal kong pinaghirapan at bakit daw mistulang nagbago ang pananaw ko ngayon sa buhay. May mga nanghinayang. May mga nalungkot. May mga nagtaka. At may mga nakikichika. 

          Parang baliw na nahimasmasan. Parang lasing na nahulasan. Parang bata na tumanda. Parang pangit na gumanda. Parang malabo na nalinawan. Parang totoy na natulian.

          Sa madaling salita, nagkaroon ng pagbabago.

          171 na articles ang binura ko sa kabilang blog. Hindi dahil ayaw ko sa mga sinulat ko. Hindi dahil walang kwenta ang mga sinulat ko. Hindi dahil maraming may ayaw sa mga sinulat ko. Kundi dahil alaala ng madidilim na mga nakaraan ang mga sinulat ko. Alaala na minsan akong lumihis sa landas na naitakda para sa akin. Alaala na minsan akong naging matigas ang ulo. Alaala na minsan akong nalugmok sa iba't ibang mga emosyon -- emosyon na sa kahit ano pa mang anggulo tingnan ay hindi makakatulong sa paglago ng aking pagkatao.

           May mga nagsasabing "SAYANG." Sayang daw dahil marami rin namang napupulot na aral sa mga sinulat ko. Sayang daw dahil nakakatuwa din ang mga sinulat ko na patungkol sa mga karaniwang pangyayari sa buhay. Sayang daw dahil may magaganda ring pinupunto ang mga sinusulat ko. Pwes. Narito ako upang sabihing hindi sayang ang lahat. Narito ang kapalit. Sa pagkakataong ito, mas malaman. Mas kapakipakinabang. Mas may kwenta. Mas kapupulutan ng aral.

          May mga nagsasabing "ANYARE." Anyare sayo -- bakit bigla-bigla ka na lang tumino? Anyare sayo -- bakit parang magpapari ka na? Anyare sayo -- bakit nagpapakabanal ka na ngayon? Para sa mga taong nag-iisip ng ganito, easy lang kayo. Mahirap gumawa ng tama kung hindi mo alam kung ano ang tama. Mahirap maging matino kung hindi mo alam kung paano ang maging matino. Mahirap mag-ayos ng buhay kung hindi mo alam kung ano ang maayos na buhay. Pero kung alam mo ang mga bagay na ito. Kung alam mo kung ano ang tama, kung paano ang maging matino, at kung ano ang maayos na buhay, ano ang pumipigil sa iyo na gawin ito? Kung alam mo na ang ginagawa ng isang tao ay para sa mas nakabubuti, sino ka para hadlangan ang pagbabagong ito? Sino ka para manglibak? Sino ka para mang-usig?

          







Pasalamat na rin sa inyo, nalaman kong may lasa ang mga ginagawa ko.


“If we are not receiving some type of ridicule for our beliefs,
we are probably doing something wrong.” --Dillon Burroughs


Monday, June 24, 2013

Unang Hirit

           Page under construction.

          Abangan ang mga bagong pabasa, banat, hirit, sulat, at basurang pakalat-kalat.

          Sa pagpanaw ng walang kwentang pabasang "Tawa, Tawa, Pusong Masaya," isisilang ang isa na namang blog na gugunaw sa mga kokoteng makitid, kakatok sa mga pusong manhid, at magpapabait sa mga konsensyang ganid.

          May matatawa.
          May matatamaan.
          May sasaya.
          May panghihinaan.
          May titibay.
          May matutumba.
          May mabubuhay.
          May mangangamba.

          Sulat pa lang, ulam na. Maghanda ka na't magbaon ng dalawang drum na extra rice. Go.